Itutulay ang Tulong: ML Cares sa Northern Cebu
Itutulay ang Tulong: ML Cares sa Northern Cebu
October 15, 2025
Matapos ang matinding lindol na tumama sa Northern Cebu, maraming pamilya ang nawalan ng tirahan, kabuhayan, at mga gamit na mahalaga sa kanilang araw-araw na pamumuhay. Sa gitna ng pangamba at kawalang-katiyakan, napilitang lumikas ang marami sa kanila at pansamantalang nanirahan sa mga evacuation center. Marami ang nangangailangan ng pagkain, malinis na tubig, at mga kagamitang pangkalinisan.
Sa panahong ito ng matinding pangangailangan, agad na kumilos ang ML Cares Foundation upang makapaghatid ng tulong. Sa tulong ng walang sawang suporta ng publiko sa serbisyo ni M Lhuillier, naipaabot ang pagmamalasakit at konkretong tulong sa mga naapektahang KapaMLya sa iba’t ibang bahagi ng Northern Cebu. Sa mga ganitong pagkakataon, higit nating nakikita ang kahalagahan ng pagkakaisa at bayanihan.
Bitbit ng ML Cares Foundation ang mga pangunahing pangangailangan tulad ng inuming tubig, toiletry kits, biskwit, kape, at banig na maaaring gamitin bilang pansamantalang higaan. Nagkaloob din si M Lhuillier ng mga ML t-shirts at tent upang may masilungan ang mga evacuees. Isa rin sa pinakamahalagang tulong ay ang paghahatid ng malaking tanke ng tubig na pinakinabangan ng buong komunidad sa gitna ng kakulangan sa malinis na suplay nito.
Kasabay ng buhos ng ulan, dumaloy din ang tulong sa iba’t ibang bayan sa Northern Cebu. Tunay ngang walang MLayo at walang mahirap kapag may pusong handang tumulong. Sa bawat lugar na aming pinuntahan, sinalubong kami ng ngiti, yakap, at taos-pusong pasasalamat mula sa mga residente. Ang kanilang mga mata ay puno ng pag-asa—isang patunay na sa gitna ng trahedya, ang simpleng malasakit ay may kakayahang magbigay ng lakas.
Ang matagumpay na operasyon ng relief ay naging posible dahil sa pagtutulungan ng mga boluntaryo, lokal na pamahalaan, at iba’t ibang sangay ng M Lhuillier. Isang paalala ito na sa oras ng sakuna, ang tunay na yaman ay ang pagkakapit-bisig ng bawat isa.
Ang ganitong uri ng pagkilos ay nagpapaalala sa atin na hindi kailangang harapin nang mag-isa ang bawat pagsubok. Sa tulong ng komunidad at ng mga organisasyong may malasakit, mas nagiging magaan ang pagbangon. Sa mga mamamayan ng Northern Cebu, naiparating natin ang mensaheng hindi sila nag-iisa at may mga taong handang umalalay sa kanilang pag-ahon.
Bagama’t hindi agarang maibabalik ang normal na takbo ng buhay, ang tulong na naihatid ay nagsilbing liwanag sa gitna ng dilim. Isang paalala ito na sa bawat ayuda, may mensaheng kalakip: itutulay ang malasakit, itutulay ang pag-asa, itutulay ang tulong.
Bangon, Cebu. Kasama mo si M Lhuillier.